Friday, June 29, 2007

LANGAW!

"Ang Langaw, kapag nakatuntong sa likuran ng Kalabaw, isip niya, mas mataas na siya kaysa sa Kalabaw." Yan ang isa sa mga matalinghagang kaisipan na natutunan ko sa aking mga magulang. Tila angkop ito sa isang karanasan na ikinuwento ng aking kaibigan. Nakasalamuha niya sa isang forum itong si Tish.

Pareho silang forumer sa isang forum. Bagama't nauna ang aking kaibigan sa lugar na iyon, pasilip-silip lamang siya. May trabaho ang aking kaibigan, kaya't hindi niya makayanan ang gawain ng iba, lalo na ni Tish. Gaya ng karamihan ng ibang forumer,istambay si Tish sa Forum. Umaga hanggang hatinggabi,naroroon. Paano malalaman? Madali lamang! Nakasulat naman ang oras kung kailan naitala ang bawa't posting.

MINSAN, nagsimula raw itong si Tish ng isang thread. Ang pamagat: FORCED DONATION.

HINDI mapigilang hindi sumagot itong aking kaibigan. Naisip niya kasi, baka may makabasa na ibang tao, lalo na ang mga kabataan, maisip na tama ang ganoong gamit ng salita. Maling kaalaman yun... Kaya sumagot ang kaibigan ko ng ganito. "Mukhang alaganin yata ang salitang gamit, kapatid. Dahil kung forced ang donation, iba na ang dating." Ginamitan pa ng kaibigan ko ng salitang "Kapatid" kahit na alam daw niya kung ano si Tish [*halata sa mga larawang inilathala; at dahil sa matagal na rin naman siya sa Bansang JP, kaya madaling malaman ang status ng isang tao, sa kanyang pananamit at salita*] dahil sa gusto ng kaibigan ko na maging malambot ang dating ng sagot niya.

MAY mga nakakaunawa ng tamang pananalita na nag-komento rin. Sabi raw ng iba: "Kung forced ang donation, eh extortion na yan!" Natural na asahan ang mga kakampi ni Tish, na marahil, may kakulangan din sa bokabularyo ang nagsabi raw ng: "ayos din naman, ah!"

ANO ang naging reaksyon ni Tish? Aba'y nagalit daw. Bakit daw iyon ang sinabi..ATBP...
Natatawa na lang ang kaibigan ko. Bagaman, marami ang nagkomento ng kagaya ng sa kanya, bakit siya lamang ang sinita ni Tish?! OK lang, isip daw niya. Sinagot din nang maayos, dahil "ayokong bumaba sa hagdanan", turan ng kaibigan ko.

TILA walang humpay ang pagpapasaring ni Tish, hanggang sa iba pang threads. Nag-komento na nga raw ang Moderator: "Forced donation is an oxymoron!"

***************

ITO ang aking palagay::

MARAMI sa mga "wannabes" ang nais magparada nguni't halatang may kakulangan. Kung nanaisin natin na magsalita ng totoong damdamin, maaari nating gawin nang derechahan, nguni't bakit pa ba pag-aaksayahan ng panahon ang isang taong tila ayaw tumanggap ng opinyon: opinyong makakatulong para rin naman sa kanyang sariling kaunlaran?

ANG sa akin lamang, kung hindi kayang sabihin sa salitang banyaga, maaari rin namang sabihin sa Wikang Pamabansa. Marami sa mga nakausap ko ngayon, ay waring naiilang na na magsalita ng Tagalog o Filipino, dahil " nawawala raw ang kanilang pagka-sosyal.

HINDI kasalanan kung ang tao ay may kakulangan sa kaalaman. Kaya nagiging mali ay dahil na rin sa taglay na kayabangan at tingin nila marahil sa sarili ay ganun na kataas. Mahirap lumipad nang matayog, sapagka't ang bagsak niyan ay siguradong kalabog. Yun bang tipong mas mataas pa sa kalabaw ang langaw na nakatuntong doon.

Ganyan din ang napansin ng aking Lolo sa mga Filipinang naparito at nagtrabaho. Sa una, akala mo'y mga basang sisiw na sobrang ngiti at pakumbaba. Nang nagkalaman na ng ilang Yen ang pitaka, masalubong ka man sa Supermarket, parang wala silang kakilalang noong araw ay hiningan ng ulam at iba pang pangangailangan. Minsan, natanong ni Lolo kung lahat ba ng Filipino ay ganoon ang ugali. Sabi ko naman: "Hindi naman. Depende sa pagpapalaki ng mga magulang yan."

***************

ISA pang punto:
Kapansin-pansin na napakaraming FORA sa iNet sa kasalukuyan.
Naiisip ko minsan, sa dami ng mga Pinoy na nasa iba't ibang fora na nagkalat, hindi ba sila nagtratrabaho nang matino? Nasabi ko nga sa kaibigan ko, na baka kapag nagbukas ako ng isang Kompanya, masasayang lang ang pasuweldo ko sa mga taong malalagay sa opisina. Biruin mo, halos lahat ng taga opisina ay maglilibot lamang sa mga forum, kahit na binabayaran mo ang kanilang suweldo? Kaya marahil, walang pag-ungos ang buhay ng karamihan sa atin. Aba'y isang uri rin ng pagnanakaw ang ganyang kalakaran! Ninanakaw nila ang oras na dapat ay ipagtrabaho! Sanabagan!

OO, wala akong masabi sa mga nais mag-lagalag nang ganyan, basta sa tamang oras at sa tamang lugar. Huwag mang-abuso. Babalik at babalik din yan sa inyo.

No comments: